Nakapanghihinayang at hindi itinuloy ng Filipinas Institute of Translation (FIT) ang Sawikaan: Salita ng Taon. Ang Salita ng Taon ang inaabangan ng maraming tao, lalo na ng mga manunulat at akademiko. Yamang wala ngayong pumili, hayaan ninyo akong maglatag ng ilang salita na bumihag sa guniguni ng taumbayan. Ilan dito ang sumusunod:
1. Bailout—Patok ang salitang ito sa Estados Unidos at ito ang taguri upang isalba ang mga higanteng institusyong pananalapi ng Amerika na ang kapalit ay buwis ng taumbayan.
2. Endosulfan—Ito ang kemikal na hinakot mula sa lumubog na barkong MV Princess of the Stars. Kung bakit ito napasama sa barkong dapat ay laan sa mga pasahero at biyahero ay hindi ko maarok magpahangga ngayon.
3. Krisis—Napakaraming anyo nito, at ilan dito ang tumutukoy sa kasalatan ng suplay ng bigas, sa pagtaas ng presyo ng bilihin, sa pagtaas ng singil sa kuryente, sa labis na pagtaas ng krudo, at iba pa. Tumutukoy din ito sa problemang kinakaharap ng gobyerno, gaya ng kung paano mapananatili sa poder ang pangulo.
4. MOA-AD—Daglat ito ng "Memorandum on Agreement on Ancestral Domain" na ang ibig sabihin ay pagtatatag ng bagong estado ng Bangsamoro sa Mindanao, Palawan, at Sulu Arkipelago at ang mamamahala ay ang "Bangsamoro Juridical Entity." Teka, hindi ba ang Filipinas lamang dapat ang kaisa-isang "juridical entity"?
5. Rolbak—Mula ito sa Ingles ng "roll+back," at katono ng "resbak," ngunit walang naganap na makabuluhang pag-urong ng presyo bagkus lalo yatang tumaas. Napakaganda ng tunog nito, at parang mula sa Iluko. Hinuhulaan kong gagamitin lamang ang terminong ito para sa susunod na eleksiyon, at magiging katumbas ng pagbabalik ng mga bulok na politiko.
6. Pacman Pacquiao—Lumabis na ang kasikatan nitong si Manny Pacquiao at kakalabanin pa si Oscar de la Hoya sa Disyembre ngayong taon. Ang nakakatakot lamang sa taguring ito ay baka lumabis ang katakawan ni Pacquiao sa salapi man o kasikatan, at pakyawin ang lahat. Na tiyak kong magdudulot ng labis na taba at bagahe, at siyang pagmumulan ng kaniyang pagbagsak.
7. Tongpats—Pinagbaligtad ito na salitang "patong" at may kaugnayan sa pagpapataw diumano ng presyo sa badyet ng batasan. Ngunit walang kumakagat sa pakanang ito ni Sen. Panfilo Lacson, na para kay Sen. Manny Villar, ay dapat tawaging "Pampi Lason" dahil tila lason ang dila nitong butihing senador.
8. Kuryente—Marami ang kahulugan nito mulang MERALCO hanggang GSIS hanggang hukuman hanggang pahayagan. Kung paano ka makukuryente, gaya ng mga balita at propaganda ng magkakatunggaling panig, ang dapat iwasan.
9. Chess—Sumikat muli ang larong ahedres sa Filipinas, at dumami ang mahuhusay na manlalaro at grandmaster, habang paganda nang paganda ang mga kompetisyon. Nakabalik na rin si Eugene Torre pero bumandila si Wesley So. Ito marahil ang ikasasalba ni Prospero Pichay, na dapat nang huminto sa politika at magtuon na lamang sa pagpapalago ng isports.
10. Blogespero—Hango ito sa "web log" na mula sa Ingles at "espero" na mula sa Espanyol. Ito ang bagong daigdig ng mga manunulat, at dito matatagpuan ang lahat mulang basura hanggang hiyas, mulang katarantaduhan hanggang karunungan.
11. Gatas—Nagbabalik ang salitang ito na maaaring tumukoy sa gatas ng ina o gatas ng baka, kalabaw, o kambing, bukod sa de-pormulang gatas na pulbos. Higit pa rito, ang gatas ay maaaring gamitin bilang pandiwa, gaya ng "gatasan," "gatasin," "maggatas,"iginatas," at iba pa, o kaya'y ang pang-uring "panggatas" at "mala-gatas." Salamat sa Tsina, ang gatas at iba pang produktong hango rito na hinaluan ng nakalalasong kemikal na Melamine ang magpapagunita sa mga Filipino sa halaga ng pagpapasuso ng ina.
Ilan lamang ito sa mga salitang dapat pag-ukulan ng pansin ng taumbayan. Maaari ninyong bawasan, dagdagan, o susugan ang mga lahok sa ngalan ng demokrasya at kalayaan sa pamamahayag.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento