Sabado, Oktubre 4, 2008

Bagong Simula

Mahirap ang magsimula, at gaya nito'y magsusulat ka na naman ng mga bagay na magpapataba ng puso, o makasisira ng bait ng ibang tao na nagkataong nakaengkuwentro ang akda mo. Ngunit magpapatuloy ka, at maglalandas sa mga di-akalaing eskinita ng alaala, susuot sa mga pasikot-sikot na nakalipas, para matagpuan ang sarili na nananatili sa iyong kinauupuan.

Kakapain mo ang iyong bulsa at hahanapin ang kung anong bagay, na maaaring bolpen o sigarilyo, ngunit ang totoo'y ginagawa mo iyon dahil sa kaba, at manerismong ikaw lamang ang nakagaganap. Maya-maya'y haharap ka sa iskrin, at lilitisin ang sarili, at ang sarili mo ang magbubunyag na ikaw rin ang tagapagsakdal, tagapaglitis, at tagapagpatupad ng batas.

Walang komento: