Madilim ang araw na ito, at bumagsak ang merkado sa Asya, gumulong ang pangamba hanggang Europa, nangatal ang Britanya at Alemanya, at ang Estados Unidos ay parang paslit na hindi kayang ipagtanggol ang sariling lungsod.
Magmamasid ka lamang sa harap ng telebisyon, at hindi matitinag. Nasanay ka na sa hirap, at huhulaan mong matututo ang mayayamang bansa sa kapangyarihan ng nasyonalisasyon ng bangko't aliwan, sa panghihimasok sa kalakalan o usapan. May maghahanap ng isang mabisang tableta na magpapawala ng sakit ng ulo ng mga negosyante. Ngunit walang tableta ang sasapat.
Magtatagal ang krisis na ito, wiwikain mo, at magsisimula kang magtanim sa iyong bukirin, mag-impok ng palay sa pintungan, at magpataba ng mga baka at kambing sa pastulan. Matagal mo nang batid kung paano mamuhay nang payak, gumamit ng mga bagay nang taglay ang pag-iingat, at sinupin ang salapi o layaw kung kinakailangan.
Madilim ang araw na ito sa ibayo, ito ang nasasagap mo. At ikaw ay sisipol nang may pananalig sa iyong sarili at kaligiran, matatag na matatag, habang matingkad ang sinag ng araw na nagpapakislap sa mga talutot ng iyong parang.
Miyerkules, Oktubre 8, 2008
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento