Martes, Oktubre 21, 2008

Asignatura 101

Nakabubuwisit ang pagsusulat ng blog para gawin lamang sanggunian ng mga estudyanteng tamad magsaliksik sa aklatan. Totoong may mga estudyanteng ni hindi nakararanas pumasok ng aklatan dahil wala talagang aklatan sa kanilang paaralan. Pero hindi ito dahilan upang gawing pangunahing sanggunian na lamang ang internet at blog.

May magagaling mag-surf, at kapag naispatan nila ang iyong blog ay gagawing ehemplo ng magandang pagsulat. Na isang kalokohan. Iba ang pinagmumulan ng blog, at iba-iba ang target nitong mambabasa, kaya iba-iba rin ang maaasahang datíng sa mambabasa. Halimbawa, ang blog na ito ay iniisip kong gawing pook para sa panghuhula sa daigdig ng politika at negosyo. At dahil hula ang sentro nito, huwag asahan na kapani-paniwala nga ang lahat.

Bagaman aaminin kong galing ako sa mga dugo ng sikiko (psychic) at manghuhula, hindi ibig sabihin nito na magkakatotoo nga ang lahat ng aking sasabihin.

Ipagpalagay na lamang nating may kakayahan akong tantiyahin ang ebolusyon ng isang bagay. O maunahan ko ang maaaring maganap, halimbawa, kung magkakabanggaan ang punto A at ang punto B, na pawang nagkataong nasa salupungan ng mga pook V, X, Y, at Z. Pero may iba pang salik ang makaaapekto sa naturang hatag, dahil may sariling pag-iral ang V, X, Y, at Z; samantalang may kani-kaniyang puwersa ang punto A at ang punto B. Nagkakatalo ang lahat kapag nagkataong nasa puwesto ako na kapuwa ko nakikita o nahuhulaan ang daloy mulang A tungong B at pabalik, at malaya akong magpaikot-ikot sa V, X, Y, at Z.

Mahirap kung gayon ang manghula. Manghuhula pa rin ako, at hindi aasa sa mga bituin, o baraha o bato, dahil ang mga ito'y kasangkapan lamang na maaaring hindi makatuloy mulang materyal na realidad tungong espiritwal na realidad. Kung gagamit man ako ng mga ito'y dapat may kakayahan ang gayong mga bagay na makairal bilang materyal at bilang inmortal na bagay. Na imposible, at gumagagad sa sinaunang pagtatangka ng gaya ni Hesus na naging Tagapagligtas na si Kristo.

Walang komento: