Martes, Oktubre 14, 2008

Impeachment 2008

May pag-asa bang makalusot ang kasong pagpapatalsik (i.e., impeachment) kay Pang. Gloria Macapagal-Arroyo? Ayon sa aking bolang kristal, oo ang sagot. Gayunman, hindi ito magiging madali.

Ang kasong impeachment ay dapat sipatin hindi lamang sa taglay nitong laman, bagkus maging sa ugnayan ng mga mambabatas sa kamara at senado. Dapat itong iugnay sa magaganap na halalan sa Estados Unidos, at sa pambansang halalan sa 2010. Sa ganitong lagay, ang impeachment ay hindi ordinaryong kaso dahil ang sangkot dito ay ang liderato ng kasalukuyang administrasyon.

Mabigat ang paratang kay Pang. Arroyo, at kabilang dito ang sumusunod: ang paglabag sa tiwala ng bayan (i.e., pagkakasangkot sa ZTE-NBN; pakikipagkasundo sa ZTE Corp. na desbetaha ang Filipinas; at pandaraya sa resulta ng eleksiyon); ang paglabag sa Saligang Batas (i.e., pakikipagkasundo sa Proyektong NorthRail nang walang basbas ng Lupon ng Pananalapi; at pakikikutsaba, pagpapalaganap, at pagpayag sa mga walang habas na pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay ng mga aktibista); ang panunuhol (i.e., pagkakasangkot sa ZTE-NBN at pamimigay ng salaping suhol sa mga mambabatas; at pagnanakaw at korupsiyon (i.e., pagpayag sa Proyektong NorthRail; pangungurakot sa dapat sanang ipinamigay na pestesidyo; pagkakasangkot sa eskadalong "Hello, Garci"; at tiwaling paggamit ng P5 bilyong pondo ng Quedancor para tustusan ang kaniyang kampanya sa halalan.

Mabigat ang paratang kay Pang. Arroyo. Ang mga paratang sa kaniya ay angkop na angkop para sa isang paglilitis na magtatampok sa mga politikong tatakbo sa susunod na halalan, at maglalabas ng baho ng administrasyong ito. May batayan ang mga ito, at ang pinakamahina lamang ay ang seksiyon hinggil sa diumano'y malawakang pagdukot, pagpapahirap, at pagpatay sa mga aktibista, yamang mahirap patunayan ang direktang kaugnayan nito mulang Malacanang hanggang barangay. Malakas naman ang panig ng pag-urirat sa mga tiwaling kasunduang pumapabor sa gaya ng ZTE at NorthRail, at sa korupsiyong may kaugnayan sa pestesidyo, halalan, at Quedancor.

Kung paano sasagapin ito ng mga politiko ang magpapapabago ng timbangan. Hinuhuluan kong ang mga dating kakampi ni Pang. Arroyo ay babaligtad, dahil kung hindi'y maiiwan sila sa kangkungan at manganganib sa susunod na eleksiyon. Hindi rin napapanahon na kumampi sa Pangulo dahil ang labanan dito ay pagkakalantad sa media, at pumapabor ang mga bituin sa oposisyon. May ilang tao na magtataksil sa Pang. Arroyo, gayunman ay hindi naman masasabing "pagtataksil" ito nang ganap, dahil ikakatwiran nilang "sumusunod lamang sila sa ikabubuti ng taumbayan."

Ang impeachment sa Filipinas at ang pampanguluhang halalan sa Estados Unidos ay di-maiiwasang maiugnay, dahil ang patakaran ng Amerika sa Filipinas ay maaapektuhan mulang ugnayang pang-ekonomiya hanggang ugnayang panseguridad at militar. Ang sinumang magiging pangulo sa Amerika ay di-inaasahang magpapabago nang malaki sa dati nang de-kahong pampolitikang pagdulog nito sa Filipinas at sa Asya, bagaman konektado sa hinaharap ng Nagkakaisang Korea, sa paglobo ng Tsina, sa panlulupaypay ng Japan, at sa kasunduang pangkapayaan sa Gitnang Silangan.

Samantala, ang paglilitis kay Pang. Arroyo ay maaaring umabot ng tatlo o apat na buwan, at laging may banta ng Aklasang Bayan, ngunit mahihirapan na si Pang. Arroyo na tapusin ang kaniyang termino. Ang makapagsasalba na lamang sa kaniya ay pagbibitiw at pagtawag ng kagyat na halalan; o kaya'y ang tahasang asasinasyon na magmumula rin sa hanay ng politikong pumapaligid sa kaniya. Madidilim ang ganitong tagpo, ayon sa aking bolang kristal, at masasabing inaani lamang ng Pangulo ang mga pangyayaring ang administrasyon din niya ang may kagagawan.

Walang komento: