Lunes, Oktubre 6, 2008

Isang Tagay kay Jun Marcelo

Nakatanggap ako ng balita noong 2 Oktubre 2008 na yumao na ang iginagalang na si Severiano (Jun) C. Marcelo Jr., ang punong tagapangasiwa ng KASAGANA-KA Development Center. Ang KASAGANA-KA, na itinatag noong 2003, ay isang institusyon na tumutulong sa pangkabuhayang aspekto ng mga maralitang tagalungsod, at matagumpay na nagsusulong ng proyektong microfinance habang nag-oorganisa ng mga dukhang pamayanan.

Pambihira itong si Jun Marcelo dahil siya ang utak sa pagpapalago ng KASAGANA-KA. Nagsimula itong KASAGANA-KA na dating samahang masang tinutulungan ng Foundation for Development Alternatives (FDA), ngunit pagkaraan ay lumago nang lumago at nagkaroon ng sapat na pondo para makapagsarili. Ang modelo ng KASAGANA-KA ay nahahawig sa modelong microfinance ng gaya ng Bangladesh, ngunit nakabuo ng natatanging pagdulog na angkop para sa kultura at kaligiran ng Filipinas.

Dati ko nang nakainuman itong si Jun Marcelo, at masasabi kong sumuko ang bahay-alak ko sa tatag niya sa pagtoma. Gayunman, gaano man karami ang aming nainom, tinutumbasan naman niya iyon ng masigasig na pagtatrabaho at dalisay na pagtugon sa karaingan sa mga maralita, na hindi ko nakita kahit sa opisyales ng pamahalaang nagserserbisyo kuno para sa mga dukhang sektor. Ang totoo'y matalas ang utak ni Jun na puwedeng magpayaman lalo sa malalaki't pribadong korporasyon. Ngunit alam kong maykaya na itong si Jun, at hindi na niya kailangan pa ang limpak-limpak na salapi. Nagulat ako dahil ibinuhos niya ang buhay sa pagsisilbi ng mga maralita, sa pagtataguyod ng masasabing mala-bangkong institusyong tutustos sa pangangailangang pinansiyal ng sinumang dukha subalit ibig magsulong ng negosyo o hanapbuhay.

Naniniwala ako na ang ipinamana ni Jun sa KASAGANA-KA ay hindi na mabubura pa sa gunita. Bibihira na ang ganitong tao, na ipagpapalit ang sariling buhay para maging mariwasa ang buhay ng mga kapuwa niya Filipino.

Isang tagay sa iyo, pareng Jun, at mabuhay ang KASAGANA-KA na iyong pinagyaman hanggang sa huling sandali ng iyong pag-iral.

Walang komento: