Magwawagi si Barack Obama sa darating na eleksiyon, ayon sa hula ng mga sarbey ng iba't ibang pangkat. Ang masasabi ko'y magwawagi nga si Obama, ngunit ang kaniyang pagkapanalo'y pagtulay sa hiblang nag-uugnay sa dalawang bundok, kaya manganganib ang kaniyang seguridad.
Pagkaraan, maglalakad si Obama sa rabaw ng kumunoy, at ang kumunoy na ito ay may kaugnayan sa mahabang pagkakamali ng mga patakarang ipinatupad ng administrasyon ni Pang. George W. Bush. Kailangang maging matibay ang kapasiyahang pampolitika ni Obama, dahil malapit nang malaos ang digmaan bilang pangunahing negosyo ng Estados Unidos.
Ipipilit ng kampo ng Republikano na magwagi si John McCain sa pamamagitan ng pagpukol ng putik, ngunit ang putik na ito ay hindi makapagpapahina kay Obama bagkus makapagpapalakas pa. Magwawakas din sa halalan ang politikang karera ni McCain, at hindi na siya makababalik pa.
Ang magiging ikalawang pangulo ng Amerika ay hindi magtatagal sa kaniyang puwesto. Mabibingit siya sa kontrobersiya, gaya lamang ng palsipikasyon ng dokumento at korupsiyon sa mataas na antas ng negosyo.
Walang karahasang magaganap sa Amerika sa loob ng halalan. Nakikita kong umiinom si Osama Bin Laden ng kaniyang paboritong tsaa, at mapapailing, at maya-maya'y bubunghalit ng tawa dahil sa napapanood niyang karupukan ng mga Amerikano. Ang nakapagtataka'y ni hindi sasalingin ng Al Qaeda ang Amerika. Pagkaraan ng halalan, ang palitan ng mga salita sa White House ay higit sa misil at patalim, at ang mga sandatang ito ay nakaumang sa walang muwang na taumbayan.
Higit sa lahat, ang bangungot ng halalan sa Florida ay hindi na mauulit pa kay Obama. Ngunit ang nasabing halalan ang susurot sa gunita ng mga Amerikano kung bakit nagkaroon sila ng isang magdaraya, mabalasik, at mapagbalatkayong pangulo.
Biyernes, Oktubre 31, 2008
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento