Biyernes, Oktubre 10, 2008

Sa Kabila ng Gulo

Napakabilis ng mga pangyayari at sumasapit na naman ang pagwawakas ng taon. Sumangguni ako sa aking manghuhula, at heto ang kaniyang prediksiyong nagpapatiuna sa mga astrologo at sikiko:

1. Ang krisis sa Estados Unidos, na umabot ang alon hanggang Asya, ay magbabalik na daluyong sa Europa. Kirot sa kalingkingan pa lamang ang nadarama ngayon ng mga Amerikano, ngunit ang kirot na ito ay aantak sa loob ng tatlong taon.

2. Si Pang. George W. Bush ay lilitisin sa pandaigdigang hukuman, at hahatulan siya makaraan ang limang taon, sa salang henosidyo ng mga tao sa Asya. Itatampok ang kaniyang administrasyon bilang "pinakamadilim ng yugto" sa kasaysayan ng Amerika.

3. Mapapalitan ang mga tradisyonal na merkado sa kanluran, gaya ng paghahanap ng bagong tirahan. Asya ang tutulong nang malaki upang makaligtas sa matinding krisis ang Europa. Ang mga bansa sa Asya ay makapagbubuo ng malayang ugnayang pangkabuhayan sa mga nasyong hindi dati pinapansin.

4. Magpapalit ng damit ang estratehiya ng Al Qaeda. Ang uri ng gerilyang pakikihamok nito ay maghuhunos na laksa-laksang langgam na sasalakay sa pintungan ng mga butil ng gaya ng Amerika, United Kingdom, Alemanya, Pransiya, at Australia.

5. Mag-uunahan sa paghahanap ng alternatibo sa langis. Magpipisan ang mga bansa sa ngalan ng enerhiya, at ang enerhiyang ito ay magmumula sa dagat, hangin, at sinag. Matataranta ang Tsina at India, at sasandig ang mga ito sa lakas-nuklear.

6. Lilitaw ang ibang uri ng bangko, at ang mga transaksiyon nito ay iikot sa mga maralita at gitnang uri. Mayayanig ang malalaking bangko, at maghahasik ang mga ito ng katumbas na tugon upang manatiling lumulutang sa merkado.

7. Mapipilitan ang Filipinas na isaayos ang patakarang pangkabuhayan nitong sumasalalay sa mga pawis at padala ng mga migranteng manggagawa. Ang paglihis na ito ay may kaugnayan sa namumuong dagim sa Europa at Amerika.

8. Sisilang na malaking puwersa ang Latin Amerika. Venezuela ang magiging sentro, Brazil ang kanang kamay, Ecuador ang bituka, Peru ang tainga, at Panama ang paa.

9. Pag-uusapan ang seryosong pagsasanib ng Timog at Hilagang Korea. Ngunit ikatatakot ito ng Japan, at ang China ay maiipit sa sigalot. Ang unang senyal ng pagsasanib ay magaganap sa Disyembre 2009.

10. Magkakaroon ng digmaan sa cyberspace. Bawat bansa ay magtatatag ng kaniyang pananggol, at wika ang isa sa mga tulay ng bakbakan. Magsisimula ang bakbakan ngayong Nobyembre, titindi pagsapit ng Pebrero, at mamamagitan ang mga insitusyon upang ihinto ang tunggalian.

Ilan lamang ito sa aking nasagap sa aking manghuhula. Marami pa itong kasunod. Paalaala lamang. Ito ay hula, at ang hula ay hula, na magkakatotoo lamang alinsunod sa likot ng iyong guniguni.

Walang komento: