Napakatahimik ng pamahalaang Filipinas sa nagaganap na masaker sa Gaza. Habang sinusulat ito'y mahigit 300 tao na ang napatay sa pambobomba ng Israel, at ilang daan na ang sugatan. Kung ang nasabing pambobomba ng Israel ay laban sa Hamas, maituturing yaong bulaklak ng dila na katumbas ng henosidyo sa mga Palestino sa sukdulang pakahulugan.
Kailangang isumpa ang marahas na patakaran ng Israel laban sa mga Palestino.
Lumalakas ang loob ng Israel dahil sa tangkilik ng United States at United Kingdom, ngunit habang tumatagal ay umaani lamang iyon ng poot at tuligsa mula sa mga nasyong nais ang kapayapaan. Hindi lamang dapat kondenahin ang Israel. Kailangan ding kondenahin ang mga baluktot na patakaran ng US at UK at ipamukha sa kanila ang kawalang-saysay ng patakarang nagsusulong ng pamamaslang at karahasan.
Lalong nagkakaroon ng katwiran ang ikatlong daluyong ng intifada ng mga Palestino laban sa Israel. At ang intifadang ito ay maaaring lumampas sa hanggahan ng Israel, at dumaong kahit sa mga baybayin at paliran ng US at UK. Ang pambobomba ng Israel ay halatang may bahid ng politika, at ang politikang ito ay posibleng may basbas ng papaalis na Pang. George W. Bush.
Kung ubusan ng lahi ang nais ng Israel, ito ay isang malaking pagkakamali. Kahit pulbusin ng mga misil at bomba ng Israel ang Hamas at kaalyado nitong pangkat, lilitaw at lilitaw pa rin ang iba pang maghihimagsik na magpapatuloy sa lunggating kasarinlan ng mga Palestino. Mauubos lamang ang salapi, panahon, at pasensiya ng Israel subalit mananatili ang armadong pakikibaka. Ang kinakailangan ngayon ay paghahanap ng alternatibo sa patakarang may bahid ng pamamaslang at dahas, at kailangang makinig at mag-usap nang walang hinihinging prekondisyon ang magkabilang panig upang magkaunawaan.
Panahon na rin upang maging makabuluhan ang United Nations. Kung mananatili ang UN na umiral na ahente lamang ng mga makapangyarihang bansang gaya ng US, UK, France, Germany, Japan, Russia, at China ay lalong iilap ang kapayapaan. Maaaring palitan na lamang ang UN at bumuo ng ibang organisasyong handang kumatawan sa mga hinaing ng iba't ibang nasyon o bansa.
Samantala, hindi ikahihina ng Filipinas kung magwiwika ito ng pagtutol sa malawakang pagpatay laban sa mga Palestino.
Martes, Disyembre 30, 2008
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento