Miyerkules, Hulyo 29, 2009

Pahayag ng Pangulo

Pabugso-bugso ang ulan noong linggo, isang araw bago ang nakatakdang pangwakas na SONA ng Pangulo. Tila nagbabala ito sa wiwikain ng pangulo, at sa magaganap na rali ng iba't ibang sektor. Panatag naman akong umiinom ng kape, at naisip ko lamang ang ilang bagay.

Una,lumalakas ang pahiwatig na mananatili sa poder ang kasalukuyang pangulo ng bansa. Magaganap ito kung mababalam ang eleksiyon dahil sa komputerisasyon, at mapapawalang bisa ang resulta ng halalan.

Ikalawa,hinog na ang panahon para sa kudeta. Ngunit hindi ito magmumula sa panig nina Trillanes at Lim, bagkus sa mismong hanay ng mga tropang kakampi ng administrasyon. Magsisimula ang kudeta mula sa batasan at aabot sa sukdol ng paglabas ng mga kawal sa kani-kanilang baraks.

Ikatlo, malaki ang gagampanan ng mga punongkahoy na nasa bakuran ng Malakanyang. Ang mga punong ito ang nakababatid ng mga ugat sa mga barangay hanggang lalawigan, at kung paano paamuin ang mga alon ng pag-aaklas.

Ikaapat, kikita nang malaki ang mga peryodista at brodkaster. At magiging tinig ang mga ito ng bibig ng pamamahala sa status quo.

Ikalima, makikialam ang mga negosyante; makikialam ang mga alagad ng simbahan; makikialam ang mga kabataan ngunit bibiguin sila ng isang lagda ng presidente.

Marami pa akong nahihiwatigan, ayon sa pahatid ng simoy, at nagpasiya akong ipinid ang pandinig saka uminom nang uminom ng kape.

Miyerkules, Hunyo 3, 2009

AH1N1 virus at De La Salle University

Napakagandang halimbawa ang ginawa na De La Salle University na suspindihin agad ang klase nang matuklasan ng mga awtoridad ang pagkakahawa ng isang estudyante ng swine flu virus (AH1N1). Batay sa nasagap kong balita, ang tinamaan ng sakit ay isang estudyanteng babaeng Hapones at nangungupahan umano sa Providence Tower sa Malate. Hindi pa maipalabas ang balita dahil kailangan pa umanong sabihan ang embahada ng Japan.

Maaaring kumpirmahin ito ng mga awtoridad. At kung hindi ako nagkakamali ay natataranta na ang ilang magulang dahil hinihinala nilang ang trangkaso ng kanilang mga anak ay may kaugnayan sa trangkaso ng baboy. Kung nais makatiyak kung nahawa sa virus, walang ibang maipapayo ang mga awtoridad kundi sumangguni sa RITM (Research Institute for Tropical Medicine) na nakabase sa Alabang.

Malaking problema din ito sa gaya ng Providence Tower, kung totoo nga ang balita, dahil mapipilitan ang pamahalaan na ikulong ang mga residente nito sa loob ng dalawang linggo upang matiyak na walang kakalat na sakit sa labas ng pasilidad nito. Ang kailangan ay mapigil ang paglaganap ng ligalig at pagkabahala sa mga pamilya. At magagawa ito sa maagap na pagkilos sa tulong ng World Health Organization (WHO), dahil tiyak kong hindi kaya ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang ganitong kalaking problema.

Hindi biro ang dinaraanang problema ng DLSU hinggil sa trangkasong baboy. At kailangan ang sama-samang pagkilos upang mapigil ang paglaganap ng naturang sakit.

Martes, Marso 10, 2009

Pananaginip ng Kudeta

May panahon ba ang kudeta? Kung sasangguniin ang panig ng sundalo, meron. At ang panahong ito ay tiyempo na nakalaylay ang sandata at aanga-anga ang mga bantay. Ang kudeta ay hindi "paglalakad sa kalye upang magprotesta" gaya ng ginawa ng ngayon ay Senador Trillanes. Ang kudeta ay mahabang paghahanda, pangangalap ng tauhan at pondo, pag-iipon ng bala at pagkain, at pagsasanay sa organisado't mabilis na pagsalakay.

Pinarurupok ng kudeta ang poder ng pamahalaan, upang palitan ng rebolusyonaryong pamamahala. Kaugnay ng kudeta ang pakikipagkutsaba ng mga negosyante at sibilyang pangkat, samantalang hinihigop nang pailalim ang mga mamamahayag. Sa maikling salita, ang kudeta ay malikhaing pag-aaklas — na binubuo ng mga rebeldeng isip.

Kinakabahan ako sa kudeta, at kahit sinasabing may halalan sa 2010 ay maaaring masingitan pa ito ng pag-aaklas ng mga kawal. At ito ang dapat paghandaan ng palasyo, at purgahin ang mga kahina-hinalang tao lalo yaong nagmumula sa hilaga at timog ng bansa. Hula ko lamang ito, habang nakikinig sa usapang lasing ng heneral at ng mga intelektuwal.

Martes, Pebrero 24, 2009

Bagong Politika

Salát ang ating lipunan ngayon sa mga sariwang mukha ng politika. Hindi kayang humuli ng imahinasyon ng taumbayan ang gaya nina Punong Hukom Reynato Puno, Hen. Danny Lim, Fr. Ed Panlilio, Alkalde Jojo Binay, Bise Presidente Noli de Castro, Sen. Manny Villar, Sen. Loren Legarda, at kahit ang mga kabataang senador na sina Chiz Escudero, Kiko Pangilinan, at Bong Revilla.

May kulang sa mga nabanggit, at maaaring kabilang dito ang kakayahang makipag-ugnayan sa malawak na sektor, at makapagbuo ng network alinsunod sa siyentipikong database. Maaari ding halata ang kanilang pamumulitika nang maaga, at tanging ang Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang makahihigit sa kanila.

Wala ring programang maipagmamalaki kahit ang mga pangunahing partido sa ngayon. Uunahin ng mga politiko ang pagbabago ng konstitusyon, kaysa bumuo ng mga solidong programang tutugon sa ekonomiya, seguridad, at patakarang panlabas. Ibig sabihin, nananatiling laway lamang ang pangako ng mga politiko.

Ang isang hinuhuluan kong lilitaw ay ang pagbubuo ng bagong samahan ng mga kabataan, at ang samahang ito ay marahil may kaugnayan sa sining, panitikan, at pagtatanghal. Makikipag-ugnayan ito sa mga tao na di-kumbensiyonal mag-isip at makipag-ayos, at siyang susuportahan naman ng taumbayan.

Magaganap ito sa wikang Filipino, at sinumang gumamit ng wikang banyaga ay nakatakdang magpaalam sa kaniyang karera.

Hula ko lamang ito, at maaaring simulan ng kudeta ng mga intelektuwal.