Linggo, Nobyembre 23, 2008

Mag-ingat sa Paputok

Ipinapayo kong mag-ingat sa paputok ang mga tao ngayong taon, lalo ang may kaugnayan sa aspektong seksuwal. Ang Disyembre ang pinakamainit na yugto ng pakikipagtalik, at maaaring maburyong ang iba sa rumaragasang hormone.

Magpigil, wika nga, at kung hindi makapagpipigil, gumamit ng kondom.

Pumapabor ang mga bituin sa pagsasama ng mga pamilya, at magugulat ang marami dahil kahit ang mga tao na dating magkakalayo ang loob ay magkakabalikan.

Ngunit madilim ang nakikita ko sa panig ng mga tao na malimit gumagawa ng kontrobersiya upang manira ng pangalan ng ibang tao. Ang paninirang puri ay magbabalik na multo sa mga pintasero at tagapaghasik ng propaganda. Malulunod sila sa putik ng kamangmangan, at pagtatawanan ng libo-libong tao.

May nakikita akong mga kusinero sa batasan. At ang kanilang niluluto ay higit kong pinangangambahan, dahil mapapaso at malalason ang malaking populasyon ng sambayanan.

Biyernes, Nobyembre 21, 2008

Pagbabago ng Konstitusyon at Aklasang Bayan

Inaakit ng mga mambabatas sa Kongreso ang kapahamakan dahil sa pagtataguyod ng panukalang enmiyendahan ang Saligang Batas ng 1987. Layon ng panghihimasok sa Saligang Batas ang pagsusulong ng federalismo, na may basbas ni Rep. Mikee Arroyo at unang ipinanukala ni Sen. Nene Pimentel. Kung matutuloy ito, hinuhulaan kong mag-aaklas ang taumbayan, at ang pag-aaklas na ito ay sarikulay na ang sukdulan ay paglabas ng mga kawal sa kani-kanilang baraks.

Ito ang nakikita ko sa aking orakulo. Na maaaring hindi magkatotoo, ngunit malaki ang posibilidad kaysa hindi na magkalaman at buto bago magwakas ang taon hanggang unang hati ng 2009.

Miyerkules, Nobyembre 19, 2008

Pirata, Tulisan, Bandido

Kinakailangang kumilos na sa lalong madaling panahon ang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo hinggil sa mga kaso ng pamimirata ng mga Somali, dahil sangkot dito ang pagkakabihag ng mahigit 100 Filipinong marino. Ito ang matapat kong payo sa pangulo, dahil may nakikita akong dagim sa kaniyang paligid.

Kapag nalagasan ang mga Filipinong bihag habang nasa kamay ng mga pirata ay lilikha ito ng daluyong hindi lamang patungong Filipinas bagkus hanggang Saudi Arabia. Ang digmaan ay magaganap hindi lamang sa rabaw ng karagatan bagkus sa ilalim ng tubigan, at kahit ang pinakaabanseng sasakyang panghimpapawid ay hindi masasaklaw ang lumalaganap na operasyon ng mga rebelde.

Madudungisan lalo ang pangalan ng pangulo, at lalantad siyang walang malasakit sa mga nandarayuhang manggagawang Filipino. Upang maiwasan ito, marapat na gumawa ng hakbang ang pamahalaan na suportahan ang mga pamilya ng mga marino, at magsagawa ng mga hakbang upang maiwasang isubo sa lagablab ng karagatan ang mga Filipino.

Kung paano sasaklolohan ang mga Filipino ang dapat inaatupag ng pamahalaan. Kailangang maging aktibo sa negosasyon ang Filipinas, sapagkat handang pumatay at mamatay ang mga piratang Somali makamit lamang ang lunggati nilang lumikom ng butaw o ransom mula sa mga dambuhalang sasakyang pandagat.

Hula ko lamang ito, at ayon naman sa nakikita ko sa mga bituin.

Linggo, Nobyembre 16, 2008

Hula-hula sa Pasko

Lumalakad ang mga langgam patungo sa yungib ng Malacañang, at nakikini-kinita ko ang pagsasara ng pintuan at bintana ng mga bahay, establisimyento, at paaralan.

Mag-uusap ang mga langgam sa pamamagitan ng simoy, at taglay ng kanilang mga katawan ang kalasag, sandata, at pagkain para sa mabilisang pagsalakay.

Ang sinumang makausap nila ay tatalikod sa sinumpaang katapatan, at mangangamba ang mga pader na waring iyon ang katapusan ng daigdig.

Hihingi ng saklolo ang kuwago sa loob ng palasyo, ngunit ang kaniyang tinig ay aalingawngaw lamang sa karimlan. Magdaratingan ang mga bayakan at paniki, ngunit imbes na siya'y saklolohan, ay itataob ang mahabang hapag at mag-iiwan ng dumi sa kisame, dingding, at sahig.

Patuloy na lalakad ang mga hatik. Darating din ang mga itim at puting langgam, at magpipilit silang magkasiya sa loob ng Malacañang. Nakatutulig ang kaluskos ng mga paa, ang hiyawan at palakpakan, at sa isang iglap, ay wiwikain ng heneral na hantik sa Filipino ang wika ng pagsuko at wika ng liwayway.

Nagising ako, at umalulong ang aking matapat na aso.

Lunes, Nobyembre 10, 2008

Welkam bak, Wolfgang!

Salamat at nakabalik na ang paborito kong banda, ang Wolfgang. Ang tagal kong hinanap ang lintik na bandang ito, dahil kinukulit na ako ng dalawa kong tsikiting, at gusto nilang manood ng concert. Teka, sabi ko, bawal ang lak-ah sa bata, magsopdrinks na lang kayo. Sinagot ba naman ako na, "Manonood lang po kami, at sasayaw, at iuuntog ang head sa pader!"

Nabubuwisit na ang mga anak ko sa mga lumalabas na banda ngayon. Parang mga bakla ang boses, walang latoy ang kanta at liriks, at ang tunog, hay para bang panahon pa ng kopong-kopong.

Pero ngayong narito na si Basti "Da Beast" Artadi, kasama sina Manuel Legarda, Mon Legaspi at Francis Aquino, tiyak na magrarambol ang mundo sa rakrakan sa Eastwood City Central Plaza sa Disyembre 10, na Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, ho-ho-ho!

Welkam bak, Wolfgang! Bakbakan na ito! Talunin ninyo kahit si Pacman, ha? Isang tagay sa inyo!